Tuesday, September 20, 2016

Sa mundong ito, walang permanente.

Daang bilang ng mga taong dumaan sa ating buhay, Ilan dito patuloy na nariyan sa ating mga tabi; nakasubaybay, umaalalay at patuloy nating nakakasama at may parte sa bilang na ito ang mga taong mistulang bulang nawawala; pagkawala nila na walang katiyakan sa ating sarili kung bakit pa nga ba sila dapat mawala.
Natural lang na maging malungkot at lumuha sa tuwing may mga indibidual na animo'y isang hiram lang na dapat kunin din sa iyo pero mali ang ibuhos ang kabuuang buhay sa kakaiyak na hindi naman mababago ang sitwasyon.
Sa mundong ito, lahat pwedeng mawala sa iyo. Lahat pwedeng sa isang iglap, e wala na sa buhay mo. Pakatandaan mo: dapat kang maging matatag sa isang mundong walang katiyakan, walang permanente.
May mga tao o bagay na sadyang nariyan lamang para tumapos ng isang misyon sa iyong buhay at pagkatapos nito unti-unti na rin silang maglalaho at sa pagkawala nila doon mo maiisip ang halagang ibinigay nila sa buhay mo.
Hindi man mahaba ang pinagsamahan kung minsan pero walang tutumbas sa regalong makasama kang bigay nila sa iyo.
Naniniwala ka ba sa sabi-sabi ng mga matatanda na ngayon ginagamit ng mga nakakabata? "Kung hindi para sa iyo, huwag ipilit".
Gaya ng isang damit na hindi magkasya-kasya sa iyo. May mga tao rin naman na dumaan sa buhay mo, na sa isang pagkakataon magigising ka nalang na hindi talaga para sa iyo. Maaring iba pang tao ang nakalaan sa iyo.
Matuto kang magpasalamat sa mga taong nagiging parte ng iyong mala teleseryeng buhay. Tandaan mo, ang mga taong ito ang patuloy na bumubuo sa iyo.

No comments:

Post a Comment